NAALALA mo pa ba ang iyong first love? Naalala mo ba ang iyong naramdaman? Ang malakas na pagtibok ng puso at pagpapawis ng kamay. Ito ang mga senyales ng pagiging in-love.
Ayon sa mga eksperto, ang pagiging in-love ay dulot ng isang kemikal sa ating utak, ang Dopamine. Tumataas ang lebel ng dopamine ng mga taong in-love. Nakaka-addict ang dopamine at marami ang nagnanais na huwag na itong mawala sa kanilang katawan.
Ngunit hindi habangbuhay ang pagtaas ng dopamine. Ayon sa pagsusuri, bababa din ang lebel ng dopamine pagkalipas ng 3 taon. Dito na tayo makararamdam ng pagiging matamlay sa ating love life. Parang tinatamad at nagsasawa ka na sa iyong girlfriend o asawa. Wala pong kasalanan ang iyong partner kaya huwag siyang sisisihin. Talaga lang bumababa ang dopamine sa katawan.
Para mapanatiling mataas ang dopamine, subukan ang mga ito:
1. Magbago ng iyong hitsura. Baguhin ang iyong hair style, pananamit o make-up.
2. Sorpresahin mo siya sa isang date. Pumunta kayo sa iba’t ibang lugar.
3. Mag-second honeymoon. Ibalik ang saya, tulad ng inyong unang pagkikita.
May iba pang mga bagay na nagpapataas ng dopamine sa katawan. Ito ay ang paninigarilyo, paghahanap ng thrill, pagsusugal, pagiging sikat, pagtulog, at pagkain ng matatamis. Ang iba dito ay masama tulad ng paninigarilyo, pagsusugal at pagsali sa mga delikadong sports. Ang pagkain din ng matamis ay puwedeng makataba, kaya iwasan o bawasan ito.
Paano mahahanap ang “true love”?
Kahit mababa na ang dopamine mo sa iyong katawan, mayroon pang pag-asang mahanap ang true love. Ito ay sa pamamagitan ng isa pang kemikal na kung tawagin ay Endorphins.
Ang endorphins ay nagbibigay ng pakiramdam ng pagmamahal, pagiging “close”, at pagka-relax kapag kasama ang iyong kabiyak. Marahil ang endorphins na nga ang sagot sa paghahanap natin ng tunay na pag-ibig.
Kapag tayo’y nagkaka-edad, dapat ay lumipat na tayo sa “excitement at thrill” na dulot ng dopamine, at tumungo na sa matagalang pagmamahal na galing sa endorphins.
Tumataas ang endorphins sa katawan sa pamamagitan ng pag-uusap, pag-unawa at pagtawa. Kausapin ang ating mahal sa buhay. Magkaisa sa inyong mga pangarap sa buhay. Araw-araw, sabihin mong mahal mo siya at gagawin mo ang lahat para sa kanya. Sa ganitong paraan, gaganda at sasaya ang iyong love life.