MAY report kahapon sa Philippine STAR tungkol sa lumalawak na pagtanggap nating mga Pilipino ng cremation bilang alternatibo sa pagpapalibing sa ating mga pumanaw na mahal sa buhay. Sa totoo lang, sa panahon ngayon ay hindi na ito gaanong issue di katulad noong mga 1990s. Personal kong napag-alaman ang sentimyento ng publiko sa cremation nang nagpanukala ako bilang konsehal ng Maynila noong taong 1990 ng isang Libreng Crematorium para sa Lungsod ng Maynila na itatatag sa Manila North Cemetery.
Ang aking intensyon sa pagsulong ng konsepto ng Crematorium noon ay upang harapin ang katotohanang nauubusan na ng espasyo ang sementeryo ng Maynila. Naalala ko pa ang aking talumpati – sa halip na humukay at ilibing ka nang malalim sa lupa, sa Manila North Ce-metery ay mas malapit ka na sa langit dahil pataas nang pataas ang mga apartment ng nitso ng nagpapatong-patong na patay. Ang laking tipid ng cremation kontra sa gugugulin sa kabaong, lote at labor ng pagpapalibing.
Sa kabila nitong malinaw at magandang dahilan ng pagtayo ng Crematorium, hindi pinagpalang maipasa ang aking ordinansa. Ang balakid noon ay ang ilang Konsehal at sektor na naniwalang kontra ito sa mga kautusan ng ating relihiyon. Baka raw hindi na maisama ang mga na-cremate sa hinihintay na muling pagkabuhay sa wakas ng panahon.
Kung may kawalan ng impormasyon noon tungkol sa posisyon ng Simbahan, ito ay malinaw na ngayon. Bagamat mariin nilang nirerekomenda na kung maari ay ilibing ang bangkay, walang tutol ang Simbahan kung cremation ang piliin.
Ang naging pampublikong diskusyon ang naging mitsa ng patuloy na interes ng mga nagsunurang administrasyon sa Maynila sa ideya ng sarili naming Crematorium. Itong 2008 ay naibigay ng pamunuan ni Mayor Alfredo S. Lim sa mga residente ng Maynila ang matagal nang minimithing libreng North Cemetery Crematorium.
Maging sa Quezon City ay nag-aambisyon na rin si Mayor Herbert Bautista ng sariling crematorium. Sa Mandaluyong ay mayroon na rin. Ang cremation ang pinakapraktikal na solusyon sa overcrowding sa semen-teryo at sa overspen-ding at overstressing sa panahon ng ating pagluluksa.