Dirty Harry ng Davao

KUNG sa Maynila ay mayroong tinatawag na “Dirty Harry” sa katauhan ni Mayor Fred Lim, matatawag din siguro nating “Dirty Harry” ng Davao si Mayor Rodrigo Duterte na walang awa sa mga haragang kriminal na salot sa peace and order ng naturang Lungsod.

Kahit ako ay gigil-na-gigil lalo na sa mga kriminal na hindi lang nagnanakaw kundi brutal na pumapatay ng kanilang biktima. Minsa’y nasasabi mo pa sa sarili na “masarap balatan nang buhay” ang ganyang klase ng mga kriminal.

Pero kung tayo’y magpapatupad ng sistemang “vigilante” lalabag tayo sa batas at tiyak na papalag ang mga human rights group.

Grabeng magalit si Duterte dahil nawawala sa katwiran. Gusto niyang madakip nang “patay” ang isang kilabot na leader ng isang carnapping group. Ibig niyang ipadala sa kanya ang pugot na ulo nito na  nakalagay sa ice-box. Palibhasa’y dinadawit ng nasabing lider na ito ang kanyang anak sa kanilang kabalbalan.

Kaya naman pinaalalahanan ng Malacañang si Duterte sa karapatan ng mga akusado na dapat sumuong sa proseso ng batas.

Noong isang linggo naibalita na magbibigay ng P4-milyon si Duterte para sa sinumang makakapatay sa wanted na lider ng carnapping group na si Ryan Cane Yap-Yu alyas Baktin; P2-milyon para sa makakaaresto dito ng buhay at P5-milyon sa makakapagdala sa ulo nito sa kanyang opisina.

Pero hindi naman nangangahulugan na puwede nang iutos ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal dahil iyan ay labag sa batas at kahit si Duterte mismo ay lalabas na utak sa isang krimen kung mapapatay ang kanyang ibig ipapatay.

May kasabihang hindi puwedeng ituwid ng isang mali ang isang pagkakamali. At kung sakaling ang sinasabing carnap leader na ito ay mapatay, tiyak na mananagot din si Duterte dahil lantarang inihayag niya sa media sa pamamagitan ng radyo, telebisyon at pahayagan ang kanyang mando na patayin ang taong nabanggit. Kaya hinahon po ang pairalin, Mayor Duterte at kung sobra na ang panggigigil natin, huwag na lang i-brodkas ang balak.

Show comments