SIGURADONG puno at siksikan na naman ang mga terminal ng bus ng mga kababayan nating mag-uuwian sa kani-kanilang probinsiya ngayong bisperas ng Undas.
Inaasahan na ng mga kinauukulan ang pagdagsa ng mga taong humahabol sa mga huling biyahe ng mga pampublikong sasakyan, partikular na ang mga bus bago sumapit ang Araw ng mga Patay.
Kaugnay nito, nagbigay babala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga kompanya ng bus na huwag abusuhin ang mga biyaherong desperadong makakuha ng tiket para makauwi. Ang sinumang mahuling lalabag sa kautusang ito ay papatawan ng kaparusahan ng LTFRB at kung mapapatunayan ay maaari ring humantong sa pagkakansela ng prankisa ng bus.
Subalit nang silipin ng BITAG ang terminal ng bus sa Cubao, Quezon City ilang araw bago mag-undas, nadiskubre namin na nagtaas na sila ng presyo ng pamasahe sa mga biyaherong tumatangkilik sa kanilang serbisyo.
Ang siste, animo’y bingi ang mga kompanya ng bus sa anunsiyong ipinahayag ng LTFRB kaugnay ng pagpipigil sa kanilang magtaas ng presyo ng pamasahe. Inirereklamo ng mga nakausap na pasahero ng BITAG ang halos kalahating dagdag sa orihinal na presyo ng tiket na ibinenta sa kanila.
Dahil sa mas mataas na demand sa kanilang serbisyo, marami sa mga kumpanya ng bus ang nagagawang samantalahin rin ang pagkakataon para kumita nang mas malaki. Kaya naman ang ilang desperadong biyahero, nakikipag-unahan pa makakuha lamang ng upuan upang makasakay kahit pa doble na ang halagang sinisingil sa kanila.
Payo ng BITAG sa aming mga tagasubaybay na huwag makipagsabayan sa uwian ng mga tao sa pagsapit ng bakasyon o araw ng Undas. Maaga pa lamang ay kumuha na o magpareserba ng tiket kung uuwi ng probinsiya upang maiwasan ang abala at paggastos ng higit sa inaasahan.
Tandaan mabuti ang aming mga paalala upang hindi mahulog sa BITAG ng modus ng mga kumpanya ng bus sa pagsapit ng Undas.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.