ARMAS ang problema kapag naipatupad na ang Bangsamoro. Marami sa MILF ang gustong panatilihin ang pag-aari nila ng baril, kahit may pulisya na kontrolado ng gobyerno ng Pilipinas. Ayon sa kanila, marami pa rin sa kanila ang may mga personal na away, lalo na ang ukol sa lupain, kaya hindi puwedeng hindi sila armado. Ang sagupaan kamakailn ng ilang MILF at BIFF ay may kinalaman daw sa pag-aangkin ng lupain, at hindi dahil sa kasalukuyang kasunduan na sinang-ayunan ng MILF at gobyerno. Kung ganito nga ang magiging tono ng mga sagupaan sa Mindanao ngayon, mahirap na isyu nga ang armas.
Armas naman ang nagbibigay ng panganib sa MILF. Kaya kung paano nila tatalakayin ang isyung ito ay kritikal sa tagumpay o pagkabigo ng kasunduan. Ang teritoryo at kita mula sa Mindanao ay mapapag-usapan, pero ang armas, mas mahirap. Nagtungo ngayon ang mga kinatawan ng gobyerno at MILF sa Navarra, Spain, para makita ang isang gumaganang halimbawa ng otonomiya ng isang lugar, na nasa ilalim pa rin ng sentral na gobyerno. Yung pagpunta pa lang ng dalawang panig sa Spain ay magandang umpisa sa kasunduan, kaya sana nga ay may mauwing kaalaman kung paano magagawa ito ng Bangsamoro. Pag-aralang mabuti at puwedeng tularan, gawin na! Umpisa na ang trabaho!
Sa kabila nitong mga magandang kilos ng dalawang panig, maingay pa rin si Nur Misuari ng MNLF! Kaliwa’t kanan ang banta sa gobyerno at MILF. Banta ni Misuari, makukuha niya ang suporta ng mga Arabong bansa sa kanyang pagtutol sa kasunduan. Pero sa kabila ng mga banta at pananakot, tuloy ang trabaho para sa katuparan ng kapayapaan. Sana ay maging totoo ang lahat sa kanilang tungkulin sa kasunduan at idaan sa magandang usapan ang mga isyu, lalo na ang mga mahihirap na isyu. Hindi ko maintindihan kung bakit gulo ang nasa isip ni Misuari. Anong masama sa pagsakay sa bangka kung kapayapaan ang pinatutunguhan ng lahat!