‘Na-BITAG sa sariling salita’

PARA sa ilang kababayan nating Pilipino, pangarap nang maituturing ang makapunta sa ibang bansa.

Sa hirap ng buhay ngayon, ang pagtatrabaho sa ibang bansa ang nakikitang pinakamadaling solusyon ng mga Pinoy upang makaipon.

Subalit para sa kaalaman nang nakararami, hindi ganoon kadali ang makapag-trabaho sa ibang bansa. Samu’t saring dokumento at bayarin ang kailangang pagdaanan bago makuha ang passport, visa at tiket na kinakailangan sa pag-alis.

Lumapit sa BITAG ang limang babaing nasa 20-30 ang edad upang ireklamo ang ilang tauhan ng Bureau of Immigration sa airport dahil umano sa pangingikil at pagpigil sa kanilang makalabas ng bansa patungong Dubai.

Nang kausapin ko ang bawat isa sa kanila, lahat ng kanilang sagot ay hindi nagtutugma. Dito na nagduda ang BITAG, maging ang mga kilos at bitaw ng salita nila ay inobserbahan naming mabuti.

Sa simpleng tanong kung ano ang pakay nila sa pagpunta sa Dubai, isa ang may pagyayabang na sumagot na mamamasyal lamang siya at karapatan niya rin daw iyon. Ang isa naman, a-attend umano ng birthday party kaya kailangan niyang agad na makarating dahil kung hindi ay baka hindi na niya abutan ang kasiyahan.

Hindi nakaligtas sa pang-amoy ko ang mga kasinu-ngalingan at baluktot na palusot ng mga kababaihang ito. Hulog sa BITAG ng sariling salita ang limang kababaihang praktisado sa kanilang mga sagot.

Malaki ang posibilidad na binabalak ng mga babaing ito na pumuslit at magtrabaho sa ibang bansa ng walang kaukulang dokumento kaya sila hinarang palabas ng mga tauhan ng imigrasyon sa airport.

 

Ang ilang kababayan na­­tin, para makamura at ma­­ padali ang prosesong pagdadaanan, nakikipagtransaksiyon sa mga iligal na ahensiya na hindi kinikilala ng Philippine Overseas Employment Agency, makapuslit lamang palabas ng bansa.

Babala ng BITAG sa ating mga kababayan na  ang bawat sumbong at rek­la­­mo ay masusi naming ini­im­bestigahan at pinag-a­ara-­lan. Hindi kinukunsinti ng BI­TAG ang sinuman sa mali nilang gawain lalo na’t para lamang ito sa sariling interes.

* * *

Para sa inyong mga  sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

 

Show comments