PANIMULA pa lang ang kasunduan ng Government of the Philippines at Moro Islamic Liberation Front. Mahaba pa ang proseso para sa ganap na kapayapaan. Paaandarin pa ng dalawang panig ang “Bangsamoro,” na sasakop sa Autonomous Region for Muslim Mindanao at iba pang bayan kung saan mayorya ang mga Muslim. Kikinisin pa ang pagbago ng MILF mula separatistang hukbo tungo sa partido pulitika. Magnenegosasyon pa sa hatian ng kapangyarihan at buwis na pantustos sa mga proyekto.
Samantala, umaasa ang dalawang panig na tatanggapin ng buong bansa ang kasunduan. Importante sa kanila na sumuporta ang mga Muslim, lalo na ang mga nakapag-aral at may karanasan sa kaunlaran. Kabilang dito ang tatlong paksiyon ng Moro National Liberation Front. Kabilang din ang mga Lumad, mga sinaunang tribu sa Mindanao na naipit sa 40 taong giyera.
Kailangan din ang suporta ng mga Kristiyano sa Mindanao at buong bansa. Buksan sana ng lahat ang isip, na ang mga Moro ay kalahi nilang Malay. Nagkataon lang na iba ang relihiyon (Islam) at katutubong tribu (Maguindanao, Maranao, Tausog, Yakan). Iba rin ang naging kasaysayan: Napigilan ng Moro ang pananakop ng Kastila, samantalang nakolonya ang Luzon at Visayas. Tinalikuran na ng MILF ang dating adhikaing tumiwalag sa Republika. Itinakwil nila ang mga terorista sa hanay, tulad ni Commander Ameril Umbra Kato. Itinuturing nila ang sarili na mga Pilipino.
Kung makikisalamuha ang mga Kristiyano sa mga Moro, matutuklasang mas maraming pagkakatulad kaysa pagkakaiba. Parehong nangangarap ng tahimik na buhay, pinaka-mahusay na edukasyon para sa mga anak, at masayang pagsasama ng pamilya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com