Di tapat na katiwala

NAKABILI ang mag-asawang Mercy at Ben ng dalawang lote sa isang subdivision. Dahil sa patakarang bawal mag may-ari ng higit sa isang lote, pinasya ng mag-asawa na ilagay sa pangalan ng kapatid ni Mercy na si Ramon ang isang lote. Matapos nilang maipagbili yung isang lupang binili nila, nagpatayo na sila ng bahay sa lupang nakapangalan kay Ramon. Hindi na muna nila sinalin sa pangalan nila ang lupa. Pinapirma lang nila si Ramon sa Deed of Sale ngunit hindi nila ni-rehistro pa ito. Pinapirma din nila si Ramon sa power of attorney pabor kay Ben upang maisangla ang lupa at magpatayo ng bahay. Inakala ng mag-asawa na protektado na sila sa dalawang dokumentong ito.

Makaraan ang higit isang taon, pumasok sa isip ni Ramon ang masamang balak na ipagbili ang lupa’t bahay nina Mercy at Ben na nakapangalan sa kanya. Inalok niya ito kay Bert. Matapos suriin ni Bert ang titulo, ang nakitang ito’y malinis maliban sa pagkakasangla, pumayag siyang bilhin ang bahay at lupa at bayaran na lang ang utang para makalag ang sangla. Pagkabayad sa utang, napunta na kay Bert ang titulo ng lupa sa pamamagitan ng pag-rerehistro ng Deed of Sale na pinirmahan ni Ramon. Nung ookupahan na ni Bert ang bahay, pinigilan siya ni Mercy at Ben dahil sila raw ang may-ari nito. Wala raw karapatan si Bert dito dahil ang pagkakabili niya ay di tapat at may masamang kalooban. Si Bert daw isang buyer in bad faith. Tama ba sina Mercy at Ben?

MALI.
Nalaman lang ni Bert ang pagmamay-ari ng mag-asawa, matapos mabayaran na niya ang lupa’t bahay at makuha ang titulo. Binili niya ang ari-arian nina Mercy at Ben in good faith dahil hindi niya alam na may iba pa lang may-ari nito noong binayaran niya ito napatituluhan ang lupa. Para maging buyer in good faith, kailangan lang ay suriin niya ang titulo ng taong nagtitinda ng lupa. Bukod dito una niyang narehistro ang Deed of Sale niya kaysa sa Deed of Sale pabor sa mag-asawa na hindi naman nirehistro.

Show comments