Ano ang certificate of non-forum shopping?

MAHIGPIT na pinagbabawal ng batas ang pagsasampa ng kaso kung walang certificate of non-forum shopping. Kung wala nito idi-dismiss ang kaso.

Sa kabila ng nasabing batas, nag-file sina Orly ng reklamo sa NLRC laban sa kompanyang pinapasukan nila, ang HSPI at EMW, ng illegal dismissal with damages na walang kalakip na nasabing sertipiko. Ito’y dahil na rin sa nag-fill-up lang sila ng complaint form ng NLRC na wala namang sertipikong nakalakip. Noon lang nag-file sila ng position paper saka nila nilakip ang nasabing sertipiko.

Kaya hinilang ng HSPI at EMW na idismiss ang kaso nila. Ang sertipiko raw ay mahigpit na pinag-uutos ng batas kasama ng pag-file ng kaso. Dahil walang sertipiko ang reklamo nila, hindi raw nagkaroon ng hurisdiksiyon ang NLRC na dinggin ang kanilang kaso. Tama ba ang HSPI at EMW?

MALI.
Mahigpit nga ang utos na ito ng batas para na rin sa maayos na hustisya. Ngunit ang mahigpit na pagpapatupad dito ay maaaring paluwalan kapag ang pagkukulang ay may sapat na katwiran. Hindi masisi sina Orly kung walang sertipiko ang kanilang complaint dahil na rin ginamit lang nila ang complaint form ng NLRC. Bukod dito, nalunasan naman nila ang pagkukulang noong i-file nila ang position paper na may kalakip na ng sertipiko ng non-forum shopping. Hindi dahil walang sertipiko ang kanilang reklamo ay wala nang hurisdiksyon ang NLRC sa kaso nila. Kaya hindi dapat idismiss ang kaso.

Dapat lang magkaroon ng koreksyon sa pagkukulang. (Huntington Steel Products Inc., et. al. vs. NLRC et. al. G.R. 158311 Nov. 17, 2004.)

Show comments