Nahatulan ng Korte si Omar at hindi isinaalang-alang ang kanyang depensa na ang tseke ay inisyu ng isang korporasyon. Bukod pa sa 64 at 12 tseke, nag-isyu na pala siya noon ng 50 tseke kung saan siya ay nahatulan na rin ng Korte. Nahatulan si Omar sa kasong paglabag sa BP 22 na may sentensiyang 6 na buwang pagkakakulong ng 12 beses at naatasang bayaran ang P1,392,500 na may kasamang 12% na interes. Ang desisyon ng mababang hukuman ay kinumpirma ng Court Appeals (CA).
Umapila si Omar sa Korte Suprema. Dito ay iginiit niya na ang naunang 50 tseke na kanyang inisyu ay hindi maaaring maging basehan ng parusang ipapataw sa kanya. Ang nasabing 50 tseke ay parte raw ng 64 na tsekeng inisyu niya. At dahil ang kanyang ginawang pag-iisyu ng tseke ay bunga ng isang kriminal na intensyon, dapat ay isang complaint o information lamang ang isinampa laban sa kanya. Tama ba si Omar?
MALI. Naiiba ang naunang hatol sa kanya base sa 50 tseke sa 12 tseke ng panibagong hatol sa kanya. Ang pag-isyu niya ng 50 tseke at ng 12 tseke na bahagi ng 64 na tseke ay mabigat na krimen.
Hindi maaaring patawan lamang ng multa ang ganitong krimen. Ayon sa batas, ang bawat pag-isyu ng tsekeng tumalbog ay isa nang paglabag sa BP 22. At dahil malum prohibitum ang BP 22, ang kriminal na intensyon ay hindi isinasaalang-alang. Ang tsekeng tumalbog ay isang mabigat na krimen hindi lamang sa taong tumanggap nito kundi pati na rin sa lipunan lalo na sa usaping komersiyo. (Lim vs. People, G.R. 143231, October 26, 2001).