Binura ang video tape ng kasal

NAPAGKASUNDUAN nina Jim at Ana na i-video ang kanilang kasal para madala nila sa honeymoon nila sa Amerika at mapanood din ng iba nilang kamag-anak. Kinontrata nila ang serbisyo ni Wilma sa halagang P1,650. Nagbigay sila ng P450 bilang down payment. Samantala, nirentahan naman ni Wilma ang mga kagamitan ni Omar at ng isa pang camera man.

Pagkatapos ng kasal, tatlong beses nilang hiniling mula kay Wilma ang video tape subalit tatlong beses din silang nabigo. Dahilan ni Wilma na hindi pa natatapos ang pag-edit ng video tape. Kaya, nagpasya ang bagong kasal na ituloy ang honeymoon sa Amerika nang hindi dala ang video tape.

Napagkasunduan din ng mga partido na makukuha ito matapos ang dalawang buwan ng mag-asawa sa Amerika.

Nang makabalik sina Jim at Ana, hindi na nila nakuha ang video tape dahil binura na ito ni Wilma. Sinampahan nila ng kaso si Wilma at ang asawa nitong si Alex ng specific performance with actual, moral and exemplary damages and attorney’s fees and expenses for expenses for litigation.

Pinaboran ng Korte sina Jim at Ana kung saan inatasan nila sina Wilma at Alex na magbayad ng P450 bilang actual damages, P75,000 moral damages, P20,000 exemplary damages, P5,000 attorney’s fees at P2,000 expenses for litigation.

Kinuwestiyun nina Wilma at Alex ang desisyon. Iginiit nilang walang malisya ang pagbura nila sa tape. Dagdag pa nila na kapag hindi kinuha ng kliyente ang tape sa loob ng 30 araw, binubura nila ito upang maiwasan ang pagkalugi ng kanilang negosyo. Tama ba sila?

HINDI.
Taliwas ito sa paniniwalang ang bagong kasal ay mawawalan ng interes na kunin ang video tape ng kanilang kasal. Sa kasong ito, ilang ulit na hiniling ng mag-asawang Jim at Ana ang tape mula kay Wilma bago sila magpunta sa Amerika. Ang pagbura sa tape ay isang malinaw na pagsira ni Wilma sa kanyang obligasyon sa mag-asawa. Kaya nararapat lamang ang pagbabayad niya sa pinsalang natamo ng mag-asawa.

Subalit nagkamali ang paghatol kay Alex nang maatasan siyang makasama ni Wilma sa pagbabayad sa pinsala. Ayon sa Family Code, ang asawang babae ay maaaring pumasok sa isang negosyo nang walang pahintulot ng asawa. At dahil si Wilma lamang ang tanging partido sa kontrata sa pagitan nina Jim at Ana, siya lamang ang may pananagutan sa bayad-pinsala (Go, etc. vs. Court of Appeals, G. R. 114791, May 29, 1997).

Show comments