MANILA, Philippines – Isa nang batas ang sin tax bill matapos itong pirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Huwebes.
Inaasahang hahakot ang naturang batas ng karagdagang P30 bilyon na buwis para sa gobyerno sa susunod na taon.
"Malinaw po ang batayang prinsipyo ng batas na ito: Hangad nating gawing abot-kamay para sa lahat ang benepisyong pangkalusuagn, mayaman man o mahirap, sagrado po kasi ang buhay ng Pilipino. Iaangat natin ang kalidad ng pampublikong kalusugan ng ating bansa: Ito ang susi sa isang sambayanang masiglang mapapakinabangan ang mga pagkakataong bumubukas ngayong umaangat na ang ekonomiya ng ating bayan," sabi ni Aquino sa kanyang talumpati.
Tiniyak ni Aquino na makikinabang ang mga tobacco farmers sa kikitain ng batas. Kinontra ng mga magsasaka ng tabako at nagtitinda ang sin tax dahil sinabi nilang papatayin nito ang kanilang industriya at bababa ang kanilang kikitain.
Pinagtibay ng Senado at Kongreso sa bicameral conference committee ang panukala na magpapataw ng mas mataas na buwis sa tabako at alkohol.