Bagets timbog sa robbery, carnapping

Ayon kay QCPD Director PBGen Christopher Olazo, ang suspek na si alyas “Jarel” ay agad na naaresto sa Apple St., Brgy. Commonwealth, QC habang pinaghahanap pa ang dalawa pang kalalakihan at babaeng katransaksiyon mismo ng biktima.
STAR / File

MANILA, Philippines — Himas rehas ang isang 18-anyos na bina­tilyo na sangkot sa panghoholdap at pangangarnap matapos ang follow operation ng mga ope­ratiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa lungsod kamakalawa ng madaling araw.

Ayon kay QCPD Director PBGen Christopher Olazo, ang suspek na si alyas “Jarel” ay agad na naaresto sa Apple St., Brgy. Commonwealth, QC habang pinaghahanap pa ang dalawa pang kalalakihan at babaeng katransaksiyon mismo ng biktima.

Sa ulat kay Batasan Police Station (PS 6) chief, PLtCol. Jose Naparato Jr., niyaya umano ang lalaking biktima ng babaeng suspek na nakilala at nakausap sa social media platform na Threads na magkita sila.

Pumayag ang biktima at nang magkita sila ng babae, dinala siya sa isang kalapit na lugar kung saan biglang lumitaw ang tatlong lalaking kasabwat ng babae.

Doon ay saplitang kinuha ang cellphone ng biktima pati na rin ang mga susi ng kanyang Toyota Fortuner.

Tumakas ang mga suspek sakay ng sasak­yan ng biktima, na naglalaman din ng ilang personal na gamit tulad ng pitaka, mga driver’s license, at mga bank card.

Sa follow-up ope­ration, naaresto ng mga pulis ang binatilyo bandang alas-12:05 ng tanghali sa parehong araw, sa kanyang tirahan sa Brgy. Commonwealth, Que­zon City, habang tinutugis pa ang tatlo niyang kasabwat, kabilang ang babaeng umano’y nakipag-eyeball sa biktima.

Inihahanda na ang mga kaukulang kasong Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code, pati na rin ang paglabag sa Republic Act No. 10883, na kilala bilang New Anti-Carnapping Act of 2016.

Show comments