2 sunog, sumiklab sa Tondo

MANILA, Philippines — Dalawang sunog ang magkasunod na sumiklab sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na ang unang sunog ay naganap dakong alas-2:23 ng madaling araw sa Malvar St., sakop ng Brgy. 94, habang ang ikalawang sunog naman ay naganap dakong alas-3:24 ng madaling araw sa Narra St., sakop ng Brgy. 244, kapwa sa Tondo.
Nabatid na umabot lamang sa ikalawang alarma ang unang sunog na sumiklab sa isang tatlong palapag na residential structure na may rooftop at naapula dakong alas- 4:57 ng madaling araw.
Nahirapan umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy sa ikatlong palapag dahil hindi agad nagkaroon ng suplay ng tubig ang fire hydrant.
Samantala, isang apat na palapag na residential-commercial structure ang tinupok ng ikalawang sunog, na naapula dakong alas-4:17 ng madaling araw.
Wala namang nasugatan o nasawi sa dalawang sunog, na ‘di pa tukoy ang pinagmulan.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.
- Latest


















