MANILA, Philippines — Itinanggi ni Brgy. Chairman Aquilino “Ely” Dela Cruz ng Barangay Rosario, Pasig ang akusasyon ni Atty. Ramon Remollo, legal counsel ng Industrial Enterprises Inc. (IEI), na ayaw niyong magbigay ng permit para sa pagbabakod sa lugar ng Marinduque Mining.
Ayon kay Dela Cruz, iginigiit ni Remollo na IEI na ang may-ari ng lupa ng Marinduque kaya kailangan nang bakuran.
Subalit ayon kay Dela Cruz, kailangan na muna niyang makita ang dokumento na magpapatunay na IEI na ang may-ari ng higit 1 ektaryang lupa bago siya mag-isyu ng permit.
Ani Dela Cruz, hindi nila ipinagkakait ang permit basta kumpleto ang papeles at legal.
Paliwanag nito, nagsagawa sila ng survey sa kanyang mga constituents para sa itatayong multipurpose at wala umanong kumontra dito.
Kinondena rin ni Dela Cruz ang sandamakmak na mga guwardiyang dala ni Remollo na nagdala ng takot sa mga residente.
Ayon naman sa mga residente, hindi matatawaran ang panunungkulan ni Dela Cruz bilang barangay chairman at bilang konsehal ng lungsod ng Pasig.