MANILA, Philippines — Arestado sa mgaoperatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki na nagpanggap na “Persons with Disabilities” (PWD) at nagpabundol ng sasakyan nitong Miyerkules sa lungsod.
Ayon kay PLt. Jason Santoceldes, hepe ng investigation section ng Masambong Police ng QCPD, naaktuhan nila ang suspek matapos tangkain muling manloko.
Nabatid na nabidyuhan at nag-viral sa social media ang kuha ng vlogger na si Hammerman sa pagpanggap umano ng suspek na nabundol ng sasakyan sa West Avenue sa Quezon City nitong Miyerkules.
Ayon sa post ni Hammerman, mabagal ang daloy ng trapiko at napansin niya ang suspek na nagkuwaring paika-ikang tumatakbo papalapit sa sasakyan na kanyang bibiktimahin.
Paglapit sa sasakyan ay huminto ang suspek kaya agad nag- preno ang driver pero bigla umanong umupo ang lalaki saka isiniksik ang katawan niya sa ilalim ng bumper ng kotse.
Doon ay nadikubre na umano ng vlogger na modus lang pala ng suspek ang ginagawa nito.
Dahil dito, agad nagsagawa ng pagmamanman ang mga pulis at nahuli sa akto ang ginagawang modus ng suspek kaya agad itong inaresto.
Sinabi ni Santoceldes, nalaman nila na makailang ulit na palang ginagawa ng suspek ang nasabing modus na posibleng pinagkakakitaan nito.
Kinasuhan na ng reklamong alarm and scandal ang suspek na nakapiit ngayon sa Masambong Police detention cell.