MANILA, Philippines — Dinagdagan na ng Department of Agriculture ang mga palengke sa Metro Manila na magbebenta ng P40 per kilo ng well-milled rice sa ilalim ng Rice-for-All program upang mabigyan ng option ang mga consumers na makabili ng mas murang bigas sa mga pamilihan ngayong sobrang taas ang presyo ng commercial rice.
Matatagpuan ang dagdag na KADIWA ng Pangulo rice kiosks sa Kamuning Market sa Quezon City, Pasay City Public Market, at New Las Piñas City Market.
Ang hakbang ay resulta ng ginawang pakikipag pulong ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel sa mga rice traders at importers sa Intercity Industrial Estate sa Bulacan para magkatulungan na magkaroon ng mabibiling murang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Ang murang bigas ay mabibili rin sa Larangay Public Market, Dagat Dagatan, Caloocan City ? Phase 9 Bagong Silang Market, Caloocan City ? Cloverleaf Market, Balintawak, Quezon City ? New Marulas Public Market, Valenzuela City na bukas araw-araw mula alas-4:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng hapon ngayong holiday season.
Sarado naman ito sa bisperas ng Pasko Disyembre 24 at Disyembre 25 at sa Disyembre 30 hanggang Enero 1, 2025.