MANILA, Philippines — Nanawagan si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ng food donations mula sa mga restaurants at fast foods, gayundin sa mga indibidwal na nagnanais na magbigay ng boluntaryong serbisyo sa bagong bukas na Walang Gutom Kitchen ng ahensya.
“Gusto kong ipabatid sa inyo na humahanap kami ng food donations pati na rin service donations. Hinihikayat namin ang mga organisasyon at indibidwal na gustong tumulong laban sa kagutuman na magtungo lamang sa Walang Gutom Kitchen sa Nasdake Building sa Pasay City para maging volunteer server natin for the day,”ani Gatchalian.
Nitong Disyembre 16, sinimulan ng DSWD ang Walang Gutom Kitchen na pinakabagong innovative program ng DSWD na inaasahang magbibigay solusyon sa kagutuman sa bansa
Kabilang sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Kitchen ay mga bata, pamilya at indibidwal na nakatira sa kalsada at mga mahihirap na Pilipinong nakakaranas ng kagutuman.
Bukod sa maiiwasan na ang involuntary hunger, malaking tulong din aniya ang Walang Gutom Kitchen sa pagkasayang ng mga pagkain.
Sinabi ni Gatchalian na sa ilang buwan ay bubuksan pa ng DSWD ang mas marami pang Walang Gutom Kitchen sa buong bansa para masiguro natin na ang pangarap ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ay maging reyalidad na at mawakasan ang kagutuman.