MANILA, Philippines — Arestado ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang tatlong online sellers ng illegal na paputok sa isinagawang police operation sa Metro Manila at Olongapo City.
Sa inilabas na pahayag ni ACG public information officer Lt. Wallen Arancillo, nasa 541 mga paputok ang nakumpiska mula sa tatlong suspek sa magkakahiwalay na lugar.
Disyembre 16 nang isagawa ng ACG Cyber Financial Crime Unit sa Lapu-Lapu Avenue sa Malabon City, Disyembre 6 sa Abad Santos Street, Tondo, Manila ng District Anti-Cybercrime Team ng Manila Police District habang sa Central Luzon Regional Anti-Cybercrime Unit ay nagsagawa ng operasyon nitong Disyembre 11 sa Barangay East Bajac-Bajac sa Olongapo City, Zambales.
Kabilang sa mga nasabat na paputok ng ACG ay 300 piraso ng “Five Star” fire cracker; 80 piraso ng “Kwitis”; 50 piraso ng “Pastillas”; 35 piraso ng “Kingkong”; 30 piraso ng “Whistle Bomb”; 20 piraso ng “Kabase” at “Tuna”; tatlong “Judas Belt” na may 100 rounds ng piraso ng “Goodbye Philippines at isang “Fountain”.
Umaabot sa P14,370 illegal firecrackers ang nasamsam.