MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang isang dayuhan kung papaano nakuha ang uniporme ng pulis na ginamit nito bilang costume sa dinaluhang Christmas party ng isang kumpanya ng sasakyan.
Ayon kay PNP PIO Chief PBGen. Jean Fajardo, malaking paglabag ito sa polisiya ng PNP lalo pa’t hindi naman pulis ang dayuhan.
Nabatid na ang dayuhan ay executive ng isang automobile manufacturing company.
Nakapagtatakang may patch ng PNP Special Action Force ang uniporme ng dayuhan.
’Kailangan nating imbestigahan kung saan nakuha, hiniram lang ba,..lahat po nito ay ating iimbestigahan,’’ ani Fajardo.
Giit ng PNP sa ilalim ng Article 179 ng Revised Penal Code, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng uniform ng mga law enforcers.
Mahaharap sa kaparusahang arresto mayor ang sinumang indibidwal na gagamit ng mali sa insignia at uniporme ng isang law enforcer o uniformed personnel.
Pinangangambahan ng PNP na nagagamit ang police uniform sa insidente ng pagnanakaw, robbery extortion at iba pang uri ng krimen.