MANILA, Philippines — Patay ang anim katao kabilang ang dalawang paslit nang sumiklab ang nasunog sa isang residential building, sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay miyembro ng dalawang pamilya na hindi pa ibinunyag ang pagkakakilanlan habang isinusulat ang balitang ito.
Sa ulat ng Bureau of Fire-Manila, nagmula sa ika-3 palapag ang apoy ng isang four-storey residential building na pag-aari ng pamilya ni Nida Rivera Pili ang nasunog sa No. 1247 Blumentritt St. Sampaloc, Manila.
Nagsimula ang apoy alas-2:40 ng madaling araw na umakyat sa 2nd alarm pagsapit ng alas- 2:50 ng madaling araw hanggang sa fire under control alas-3:47 at fire out ng alas-4:24 ng madaling araw ni Fire Senior Supt. Aristotle Bañaga.
Isang bahay lang ang naapektuhan na tinatayang humigit-kumulang sa P120,000.00 ang napinsalang ari-arian habang nasa siyam na pamilya o 27 indibiduwal ang naapektuhan.
Umabot sa 63 trak ng bumbero ang rumesponde na kinabibilangan ng 12 mula sa BFP, 40 volunteer at isang truck ng local government unit, at 3 ambulansya.
Naging pahirapan ang pagpasok sa nasusunog na bahay dahil sa sobrang sikip ng eskinita papasok na halos isang taon lang ang nagkakasya, ayon sa BFP.
Ayon sa mga bumbero, natagpuan ang tatlong bangkay sa ika-4 na palapag habang ang tatlo pa ang nakita sa ground floor na pinaniniwalaang nahulog mula sa ikalawang palapag nang matupok dahil yari sa kahoy ang sahig.
Hinihinalang electrical ang sanhi dahil pawang natutulog ang mga tao nang maganap ang sunog.