MANILA, Philippines — Handa ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa imbestigasyon sa kung paano nakalabas ng bansa si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ito naman ang sinabi ni PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, makaraang makalabas ng bansa si Roque ng walang record sa Bureau of Immigration.
Sinabi ni Fajardo, bukas umano sila sa pagbibigay ng investigative assistance kung hihingin ito sa kanila.
Sa ngayon aniya, wala pang ibang ahensiya ng pamahalaan ang humihingi ng kanilang assistance.
Magugunitang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) at mismong ni Roque na nagpunta siya sa Abu Dhabi kung saan, doon siya naghain ng counter-affidavit sa kasong Qualified Human Trafficking na isinampa laban sa kaniya.
Ikinakasa naman ng BI ang karagdagang kaso na isasampa nila laban kay Roque dahil sa iligal nitong pagpuslit palabas ng bansa.