Iwas aksaya
MANILA, Philippines — Patuloy na isusulong ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad sa half-cup rice sa mga restaurant bilang tugon sa mga naaaksayang kanin.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, tugon ito ng ahensiya bagama’t bumaba ang data ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa 255,000 metric tons ang household rice wastage sa bansa noong 2019, mababa ito sa 340,000 metric tons na nasasayang na bigas noong 2009.
Ani Laurel, kahit na may improvement sa pagbaba ng nasasayang na bigas, kailangan pa ring umaksyon hinggil dito dahil ang nasasayang na bigas ay dapat sanang maipakain sa 2.8 milyong Pinoy kada taon.
Ang “half-cup rice” initiative ay panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2013 upang maipakain ang mas konting bahagi ng bigas upang maiwasan ang pagkasayang ng butyl.
Batay sa 2018-2019 Food and Nutrition Research Institute survey, ang average Filipino household ay nagsasayang ng 53 grams ng kanin sa kada araw o nasa 6.4 grams ng bigas kada tao. Hindi pa kasama dito ang mga nasasayang na kanin mula sa mga restaurants at ibang establisimiento.
Una nang sinuportahan ni PhilRice Executive Director Dr. John de Leon ang pagpapakain ng maliit na bahagi ng kanin dahil maiiwasan nito ang pagkasayang sa butyl at mapapalakas pa ang kalusugan kapag may balanced diet.