MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na tuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng bantang pagpapatay nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong “Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez kahit hindi ito dumating sa pagdinig.
Itinakda na ng NBI ang pagdinig sa Disyembre 11.
Sakali aniyang isnabin ng Bise Presidente ang kanilang pagdinig mapipilitan umano silang magrekomenda ng kasong isasampa laban dito.
Nilinaw ni Santiago na ang Bise Presidente ay hindi immune sa kasong kriminal at sibil, tulad ng mga dating naging Bise Presidente ng bansa katulad ni VP Leni Robredo.
Una nang hiniling ni Duterte sa NBI na maitakda muli ang hearing matapos na mabigo itong dumalo noong Nobyembre 29, at hiniling din na mabigyan siya ng advance questions na itatanong sa nasabing pagdinig. Hindi naman pumayag ang NBI sa ‘advance questions’.
Samantala, sinabi ni Santiago na napadalhan na rin nila ng subpoena ang mga vloggers at reporters na dumalo at nagbato pa ng mga katanungan sa Zoom press conference kung saan naghayag si Duterte ng pagbabanta noong gabi ng Nobyembre 22.
Hindi aniya, pipilitin si Duterte na ibunyag ang pagkilanlan ng kaniyang kinausap na assassin dahil sapat na ang video ng pagbabanta na naberipika na nilang authentic at hindi deep-fake.
Inaaral na ng NBI ang mga posibleng kasong kaharapin ni Duterte kabilang na ang kasong sedition.