Erice, naghain ng MR vs disqualification

Sinuportahan ng mga taga Caloocan si dating Caloocan 2nd District Cong. Edgar Erice sa kanyang paghahain ng motion for reconsideration matapos na idiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) sa kanyang pagtakbo bilang kongresista sa 2025 elections

MANILA, Philippines — Naghain ng kanyang motion for reconsideration si dating Caloocan 2nd District Congressman Edgar Erice kaugnay ng inilabas na disqualification ng Commission on Elections (Comelec) sa pagtakbo nito bilang  kongresista.

Kasabay ng kanyang paghahain ng MR, nagtipun-tipon din ang mga taga suporta ni Erice sa harap ng tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador kahapon ng umaga.

Nais ni Erice, na baligtarin ng Comelec en banc desisyon ng Second Division ng Comelec para sa kanyang kandidatura sa 2025 elections. Bagamat alam niyang hindi siya papaboran ng mga commissioner kailangan pa rin niyang sumunod sa proseso.

Binigyan diin pa ni Erice na hindi naman sapat ang pag-inhibit ni Comelec Chairman George Garcia. Aniya ang lahat ng commissioner ay dapat na mag-inhibit upang magkaroon ng ‘semblance of fairness’.

Diniskuwalipika nitong Huwebes ng Comelec si Erice dahil sa umano’y pagkakalat ng kasinungalingan sa South Korean election system provider na MIRU at panggugulo sa halalan. Subalit sagot ni Erice, wala pang nagaganap na halalan kaya wala siyang nilalabag na batas.

Unang nang hiniling ni Erice sa Korte Suprema ang pagpapatigil sa implementasyon ng P17.9 bilyon halaga ng Automated Election System ng Miru Systems Co. Ltd. sa midterm elections bunsod ng mga paglabag sa provisions ng Republic Act 7369 o Automated Election Law partikular ang bidding procedures at paggamit ng prototype machines sa halalan.

Show comments