‘Sabit’ sa investments scam
MANILA, Philippines — Pinaaaresto na rin ng korte ang aktres na si Rufa Mae Quinto hinggil sa pagkakasangkot sa investments scam sa isang beauty clinic na kinasasangkutan din ng dating aktres at misis ni Parokya ni Edgar vocalist Chito Miranda na si Neri Naig-Miranda.
Batay sa record ng pulisya, kinasuhan umano si Quinto ng mga investors ng Dermacare beauty clinic, bilang endorser sa Pasay Regional Trial Court.
Nakita sa e-warrant na nasa apat ang warrant of arrest ng aktres na posibleng isilbi anumang araw mula ngayon.
Una nang sinabi ni Chito na hindi sila nakatanggap ng anumang notification mula sa korte na may kasong isinampa laban sa kanyang misis at aminadong nabigla sa pag-aresto dito.
Hiniling na rin ng kampo ni Chito sa korte ang pagbasura ng kaso dahil endorser lamang si Neri at walang kinalaman sa takbo ng negosyo o pangongolekta ng pera.
Ilang araw bago ang paglabas ng resolusyon mula sa Securities and Exchange Commission na nagsasaad na hindi na pinapayagan ang Dermacare na kumuha ng mga investor, naglabas na ng pahayag si Neri Miranda sa pamamagitan ng Facebook post na hindi na siya affiliated sa nasabing beauty clinic.
Gayunpaman, sa paliwanag ni Security and Exchange Commission (SEC) Director Filbert Catalino Flores III, nakipag-ugnayan umano ang celebrity entrepreneur sa mga investor ng Beyond Skin Care, na siyang kumpanyang iniimbestigahan.
Samantala, umugong din ang balita na maging ang Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao ay may warrant of arrest dahil franchisee at brand ambassador noong 2022 ng Dermacare.
Subalit wala namang nakikita pang warrant of arrest laban kay Pacquiao.