MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA) ang Filipino na wanted at utak sa bilyun bilyong investment scam.
Ayon kay PNP CIDG Director Nicolas Torre III, si Hector Pantollana ay idineport mula Indonesia na may multiple warrants sa kasong estafa at syndicated estafa.
Agad na kinalawit si Pantollana nang lumapag ito sa NAIA bandang alas-5:40 ng umaga at dumaan sa standard immigration procedures.
Kasalukuyang nakapiit na sa Anti-Organized Crime Unit (AOCU) facility si Pantollana.
Sinabi ni Torre na si Pantollana ay itinurn over ng Indonesian. authorities at mabilis na isinagawa ang deportation sa Soekarno-Hatta International Airport.
“His deportation from Indonesia and subsequent arrest mark a significant milestone in the CIDG’s commitment to bringing fugitives to justice and safeguarding the Filipino public from organized crime, dahil ang gusto ng pulis ligtas ka,” ani Torre.
Si Pantollana ay naaresto noong Nobyembre 9 ng joint operation ng Philippine, Indonesian, at INTERPOL authorities sa Gusti Ngurah Rai International Airport sa Bali nang tangkain sumakay ng patungong Hong Kong bagamat may Red Notice.