2 katao, sugatan; 250 tahanan, natupok sa sunog sa Maynila

Residents displaced by a fifth alarm fire at Barangay 310 in Sta. Cruz, Manila last Wednesday night temporarily took shelter in a covered court on November 28, 2024
STAR/ Edd Gumban

MANILA, Philippines — Dalawang katao ang sugatan habang 250 tahanan ang natupok sa sunog na sumiklab sa Sta. Cruz, Manila, malapit sa tapat ng Manila City Jail.

Kinilala ang mga biktima na sina Marina Lagrimas, 69, na nagtamo ng 2nd degree burn sa iba’t ibang bahagi ng katawan at Janine Trinio, 25, na nakaranas ng hirap sa paghinga.

Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-9:41 ng gabi kamakalawa nang magsimulang sumiklab ang sunog sa apat na palapag na paupahang tahanan na pagma-may-ari ng isang Gerardo Bantay, at matatagpuan sa 919 Playground Compound., Quezon Boulevard sa Sta. Cruz, na nasa tapat lamang ng Manila City Jail.

Umabot ng ikalimang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-6:24 ng umaga kahapon.

Nagsimula umano ang sunog sa ikatlong palapag ng paupahang bahay at mabilis na kumalat sa mga katabi nitong tahanan.

Halos wala umanong naisalbang mga gamit ang mga residente dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy.

Halos umabot sa Manila City Jail ang sunog, kaya’t mabilis ding inilikas ang ilang preso doon.

Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa 250 tahanan ang tinupok ng apoy at aabot sa P3.75 milyon ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog.

Show comments