MANILA, Philippines — Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na nakumpleto na ng Miru Systems ang delivery ng mga automated counting machines (ACMs) na gagamitin sa 2025 National and Local Elections (NLE) matapos na maihatid ng South Korean firm ang kabuuang 9,860 ACMS sa warehouse ng poll body sa Biñan, Laguna, na siyang huling batch ng mga makina na kumumpleto sa kinakailangang 110,620 ACMs para sa midterm polls.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ang lahat ng ACMs at election peripherals ay sumasailalim na sa hardware acceptance tests (HAT) sa Comelec warehouse, kung saan ang mga hardware components nito, kabilang ang battery mode operation, screen, printer, camera, scanner, audio, USB ports, LED sensors, external keypad, network, at HDMI ay sinusuri.
Sasailalim din naman aniya sa stress tests ang random na 5% ng bawat batch ng delivery.
Samantala, sinabi rin ni Garcia na nakatakda nang simulan ng poll body ang voter education campaign ng Comelec sa susunod na buwan.
Ani Garcia, nasa 2,000 ACMs na ang naihatid nila sa lahat ng barangays sa bansa bilang paghahanda sa isang roadshow caravan, na nakatakdang isagawa mula sa Disyembre 2, 2024 hanggang Enero 30, 2025.
Sa naturang mga petsa, mag-iikot ang local Comelec upang mai-demo at maturuan ang mga mamamayan kung paano gamitin ang mga naturang ACMs.