MANILA, Philippines — Pinag-aaralan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang request ng ilang taxi operators na maitaas sa P60 ang kasalukuyan flag-down rate sa mga taxi units.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na patuloy na binubusisi ang pagtataas sa flag down rate dahil marami pa silang ikinokonsedera hinggil dito tulad ng epekto ng inflation.
Sa record, iginiit ng taxi operators noong Hunyo 24,2022 na gawing P60 ang flag down rate sa taxi mula sa kasalukuyang P40.00 dahil sa epektong dulot sa kanilang hanapbuhay ng patuloy na pagtaas ng halaga ng petroleum products at mahal na gastusin sa maintenance fee ng sasakyan. Marso18,2024 ng naipasa ng LTFRB na gawing P50.00 ang flag down rate sa taxi .
Niliwanag ni Guadiz na hinihintay pa rin ng ahensiya ang komento ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa request ng taxi operators na gawing P60 ang flag down rate dulot nang patuloy na pagbaba ng kanilang kita sanhi ng palagiang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Hindi lang naman kasi ‘yung pamasahe ang pinag-uusapan diyan, eh. ‘Yung epekto niyan sa ekonomiya. Siyempre ‘yung mga sumasakay ng taxi, especially if there are commodities involved, ipapasa ‘yan sa consumer ‘yan. So ‘yung effect -- ‘yung presyo ng bilihin natatamaan ‘yan,” paliwanag ni Guadiz.