MANILA, Philippines — Timbog ang isang 21-anyos na lalaki nang maaktuhang nare-repack ng shabu sa loob ng Pasay Cemetery, Linggo ng gabi.
Kinilala ang suspek na si alyas Vince, na nakuhanan ng mga tauhan ng Pasay City Police Sub-station 4 (Central Park) ng mga sachet ng pinaniniwalaang shabu na umabot sa 14.50 gramo at may katumbas na halagang P98,600.00.
Sa ulat, dakong alas 7:30 ng gabi nang rumesponde ang mga pulis sa ibinigay na impormasyon ng concerned citizen sa iligal na aktibidad ng suspek sa nabanggit na sementeryo sa Arnaiz Avenue, sakop ng Barangay 127.
Kinumpiska rin bilang ebidensya ang isang gunting, lighter, flashlight, at isang bundle ng empty plastic sachets.
Ayon sa pulisya regular na silang mag-iinspeksiyon sa sementeryo na posibleng kuta ng mga ‘tulak’.
Isinailalim na sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office ang suspek sa reklamong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).