Bilang ng MC taxi, ‘di nadagdagan may 3 taon na – LTFRB

File photo of motorcycle riders plying a major Metro Manila thoroughfare.

MANILA, Philippines — Niliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na nadagdagan pa ang bilang ng motorcycle taxi (MC taxi) sa Metro Manila  may tatlong taon nang nakararaan.

Ito ang reaksyon ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz sa ulat na hindi na makontrol ang pagdami ng bilang ng MC taxis sa NCR.

Nilinaw ni Guadiz na tanging sa Regions III at  IV lamang may pagtaas ang bilang ng mga MC taxi upang madagdagan ang bilang ng mga sasakyan doon dulot ng malaking populasyon.

“LTFRB did not increase the number of MC Taxi in NCR. It has been pegged at 45,000 three (3) years ago. It still stands at 45,000. The increase was in Regions 3 (at 4,000) and Region 4 (at 4,000),” sabi ni Guadiz.

Nilinaw ni  Guadiz na nagsumite ang Technical Working Group (TWG)  for MC taxi  ng resulta sa ginawang  pag-aaral hinggil dito na naging basehan ng pagpasa ng House Bill 10571 na naglalaan ng ligtas at mura na pampasaherong sasakyan noong  Oktubre.

Ang panukalang ito anya ay nasa Senado na para sa pagpasa ng kanilang version ng  Motorcycle Taxi Law.

Nilinaw ni Guadiz na ang pagbaba ng  ridership ay resulta ng pagbabago ng  work pattern ng mga empleyado tulad ng work  from home,  asynchronous academic schedule ng mga paaralan  at pagdami ng mga nasakay sa ibang mass transport  tulad ng tren at bus.

Una nang sinabi ng malalaking transport groups na bumaba ng 50 percent ang kanilang kita dahil sa pagdami ng online passenger vehicles.

Show comments