MANILA, Philippines — Isang bangkay ng lalaking Chinese national ang natagpuan kahapon ng umaga sa loob ng kotse na nakaparada sa Tondo, Maynila.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima, na may saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa sketchy report ng Manila Police District (MPD) - Tondo Police Station 2, dakong alas-6:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng isang Toyota Avanza sa may P. Algue corner Abad Santos, sa Tondo.
Nauna rito, nakita umano ng testigong si Victor Corrales, 61, miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), ang nakaparadang Toyota Avanza na may plate number CBM 4247.
Pinuntahan umano ni Corrales ang sasakyan para paalisin sana ang driver na naka-park sa lugar subalit laking gulat niya nang makita ang duguang driver.
Agad na ipinaalam ni Corrales ang nadiskubre sa Algue Police Community Precinct (PCP).
Subalit sa nakalap na CCTV footage sa Brgy. 242, nakunan ang paglalakad ng suspek patungo sa nakaparadang sasakyan ng biktima sa Narra St. Tondo hanggang sa pinagsasaksak nito ang biktima saka naglakad palayo sa lugar.
Nagawa namang maimaneho pa ng biktima ang sasakyan hanggang sa abutin ito sa Padre Algue at nakapansin sa mga enforcer ang pag-hazard ng sasakyan.
Ayon kay PCapt. Dennis Turla, hepe ng homicide section ng Manila Police District hindi residente ng barangay ang biktima.
Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang krimen para sa agarang pagresolba sa kaso at matukoy ang motibo.