MANILA, Philippines — Pormal nang inilunsad ni Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang Acting President ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang kauna-unahang Mobile Legend Bang Bang Tournament na inorganisa ng LCP sa isang simpleng pagtitipon sa Solaire Hotel sa Quezon City.
Sa media conference, sinabi ni Mayor Belmonte na ang torneo ay magbibigay daan na makalikha ng mga talent mula sa mga kabataang nais makiisa sa naturang palaro.
Ito rin aniya ay magpapalakas sa samahan ng mga participants mula sa iba’t ibang lungsod sa bansa.
Ayon naman kay LCP Focal Mayor for Youth and Sports Development at Victorias City Mayor Javier Miguel Benite, napapanahon ang pagsasagawa ng ganitong uri ng tournament na may koneksiyon sa mga kabataan, global age game at mas practical dahil internet lamang ang kailangan.
Ang bawat LGU ay maaaring mag-endorso ng 2 contestant mula sa kanyang lungsod kasabay ng pagsusumite ng sertipikasyon mula sa kinaanibang LGU o birth certificate, hindi amateur, drug free at nasa 14 years old pataas.
Aabot naman sa P3 milyon ang makukuha ng mananalo sa tournament.
Dagdag pa ni Mayor Belmonte, patuloy ang suporta ng LCP sa mga programa na may magandang layunin at nagbibigay importansiya sa pagtuklas sa talento ng mga kabataan.