P300 milyong ebidensiya vs POGO operation sa Las Piñas, Pampanga ‘intact’ - PNP

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police na nakatabi at ‘intact’ ang mga ebidensiyang nakuha ng mga pulis sa kanilang operasyon laban sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa Las Piñas City at Pampanga.

Ang paniniyak ay ginawa ni PNP spokesperson at Public Information Office chief BGen. Jean Fajardo kaugnay ng ilang ulat na kulang-kulang na ang mga nakumiskang pera mula sa operasyon ng mga pulis laban sa POGO.

Sinabi ni Fajardo na bantay-sarado ang multi-million cash na nasa kustodiya ng PNP. Hinihintay na lamang aniya ang utos ng korte kung saan ite-turn over ang ebidensiya.

Batay sa record ng PNP, nasa P187.82 mil­yon ang nasamsam sa Clark Freeport POGO hub noong Mayo 2023 habang P117.18 milyon naman sa POGO hub sa Las Piñas City noong Hulyo 2023.

Paliwanag ni Fajardo posibleng nais lamang­iligaw ng ilang indibiduwal ang atensiyon ng publiko sa operasyon ng PNP sa POGO sa Malate, Maynila kamakailan.

“The money is intact. It just so happened there are efforts to muddle the issue of our legitimate operation against Vertex Technologies,” ani Fajardo.

Matapos ang operasyon laban sa Vertex Technology naglabas ito ng alegasyon sa umano’y katiwalian at modus ng mga pulis na nagresulta sa pagkakasibak nina National Capital Region Police Office Director PMGen. Sidney Hernia at PNP Anti-Cybercrime Group chief PMGen. Ronnie Francis Cariaga.

Show comments