MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang 60-anyos na lalaki nang mabundol at tumilapon ng ilang metro sa Sta. Ana, Maynila, Linggo ng gabi.
Batay sa ulat ng pulisya, kinilala ang nasawi na si Dennis Bisco, may-asawa at residente ng no. 1700 M. Obrero St., Barangay 898, Punta Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ni PMajor Jaime Gonzales, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit, dakong alas-10:30 ng gabi ng Nobyembre 10 nang iulat ang insidente.
Sugatan din ang sakay ng Yamaha Aerox na si alyas “Jiohan”, 21, call center agent, residente ng Pasig City ; at backrider na si alyas “Claire”, 22-anyos, medtech intern, residente ng Alfonso, Cavite.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PStaff Sgt. Genesis Flagne, habang binabaybay ng motorsiklo ang westbound lane ng Panaderos St., tapat ng Sta. Ana Hospital ay nabundol ang tumatawid na biktima, na tumilapon, ilang metro sa gitna ng kalye at natumba rin ang motorsiklo.
Kagyat na nasawi ang biktima habang ang dalawang sakay ng motorsiklo ay ginamot sa nasabing pagamutan.