MANILA, Philippines — Matapos ireklamo ng extortion, pansamantalang tinanggal sa puwesto ng 10-araw si National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/Major Gen. Sidney Hernia.
Sinabi ni PNP chief P/Gen. Rommel Marbil na ipinag-utos niya ang pagtatanggal muna sa puwesto kay Hernia simula nitong Huwebes (Nob. 7) kasunod ng reklamo ng apat na Chinese national na tangkang “extortion” at kinuwestyon ang isinagawang raid ng pulisya sa Century Peak Tower na umano’y illegal POGO o scam hub sa lungsod ng Maynila.
Maliban sa kasong administratibo, nais ng mga nagrereklamong Chinese na patawan ng preventive suspension si Hernia upang hindi umano nito maimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon.
Isa sa mga naarestong Chinese ang nagreklamo na tinangka silang kotongan ng mga pulis ng tig-P1-milyon kapalit ng isang abogado na umano’y konektado sa higher-ups sa NCRPO, at para rin sa kanilang kalayaan.
Noong Lunes, pinabulaanan ni Hernia ang alegasyon ng extortion laban sa kaniya at sa 14 niyang pulis at sinabing --“It’s absurb and unfounded”. Nanindigan siyang lehitimo ang operasyon at bukas din umano sila sa anumang imbestigasyon.
Kaugnay nito, inihayag ni Interior Sec. Juanito Victor “Jonvic” Remulla na si P/Brig Gen. Reynaldo Tamondong ang itinalaga bilang acting NCRPO director habang wala si Hernia kaugnay ng imbestigasyon sa kaso.
“He is under administrative investigation for his handling of theMalate raid,” pahayag ni Remulla.
Ayon naman kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, makakabalik si Hernia sa posisyon kapag na-clear siya sa imbestigasyon.
Magugunita na noong Oktubre 29, sinalakay ng NCRPO operatives bitbit ang search warrants, ang tinagurian nilang “Mother of All POGO hubs” sa Century Peak Tower sa Adriatico St., Malate, Manila. Umalma naman ang may-ari ng kumpanya at nagsampa ng kaso laban sa mga NCRPO officials at personnel.
Kaugnay nito, sinibak din ang tatlong Anti-Cybercrime Group (ACG) personnel matapos na makita na ginalaw nila ang CCTV habang naglalakad sa pasilidad. Bunga nito ay pansamantala ring na-relieve sa puwesto si PNP-ACG Director P/ Major Gen. Ronnie Francis Cariaga.