MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng dalawang incumbent councilor ng Las Piñas City na hindi hahantong sa “disastrous flooding” ang dalawang lungsod na nakakasakop sa P103.8-bilyon Las Piñas-Parañaque Coastal Bay Reclamation Project.
Sinabi nina Las Piñas City Councilors Mark Anthony Santos at Henry Medina na katawa-tawa ang sinasabi ng mga petisyuner na magdudulot ng matinding pagbaha gayung sa pagpabor ng Korte Suprema, ibinasura na ang lahat ng environment concerns.
Sa botong 11-2, na ipinonente ni Associate Justice Rosmari Carandang, inaprubahan ng Supreme Court (SC) En Banc noong 21 Oktubre 2021 ang reclamation project ng humigit-kumulang 530 ektarya ng baybayin ng Manila Bay sa Las Piñas-Parañaque matapos hindi sapat na naitatag ang sinasabing banta sa kapaligiran.
Noong 2009, iminungkahi ng Alltech Contractors ang pagdevelop sa 321.26 ektarya ng lupa sa Las Piñas at 174.88 ektarya sa Parañaque, na parehong nasa baybayin ng Manila Bay. Inaprubahan ng Philippine Reclamation Authority ang proyekto noong 2010.
Bagama’t ang SC ay unang nagbigay ng Writ of Kalikasan noong 2012, sinabi ni Medina, kalaunan ay pinayagan nito ang Court of Appeals na dinggin ang kaso.
Para sa CA, Tricore Solutions, Inc. at Center for Environmental Concerns-Philippines, ang mga kumpanyang kinomisyon ng mga petitioner, ay nabigo na magsagawa ng comprehensive assessment at kulang sa expertise na kinakailangan sa larangan ng hydrology at hydraulics para magsabi na ang proyekto ay magdudulot ng pinsala sa kapaligiran.
Dahilan ito kaya hindi kumbinsido ang CA na mayroong sapat na batayan para ibigay ang pribilehiyo ng Writ of Kalikasan.