MANILA, Philippines — Tiniyak ng Quezon City, Malabon at Caloocan LGU na handang-handa na sila sa pagpapatupad ng mga regulasyon, sistema at seguridad sa iba’t ibang sementeryo sa kanilang nasasakupan sa paggunita ng Undas.
Sa lungsod ng Quezon, sinabi ni QC Task Force and Traffic Managament Division (QCTTMD) chief Dexter Cardenas na simula ngayong araw ay may naka-deploy na silang tauhan na magbabantay sa mga bus terminal para alalayan ang mga pasahero na uuwi sa probinsiya gayundin sa entry at exit points ng mga sementeryo sa lungsod partikular Novaliches, Recuerdo at Bagbag Cemetery para sa maayos na daloy dito ng mga sasakyan.
Nakabantay din ang kanyang mga tauhan sa may Balintawak area para naman sa mga tutungo ng Manila North Cemetery gayundin sa mga lugar papuntang private cemetery sa Holy Cross, Himlayan at Eternal Garden.
Manghuhuli rin ang QC ng mang-iisnab na mga PUVs at mga colorum bagamat dagsa ang mga commuters sa mga terminal ng bus sa lungsod partikular sa kahabaan ng Edsa.
Tuloy din aniya ang QC Bus Libreng Sakay habang ipatutupad ang re-routing sa may Balintawak area dahil sa inaasahang 80,000 motorista na maaaring dumaan sa lugar papuntang Manila North Cemetery.
Kaugnay nito, sinabi ni Salvador Carino, hepe ng QC Civil Registry Office na dahil full blast na ang digitalization sa QC LGU, hindi na mangyayari pa ang pagkawala ng listahan ng mga lugar na kinaroroonan ng mga yumaong nakalibing sa mga sementeryo sa QC.
Samantala, sinabi naman ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, nasa 30,000 Malabueños ang inaasahang magtutungo sa mga sementeryo sa panahon ng Undas kaya naka-standby ang nasa 775 security at first responders sa pangunguna ng Malabon Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) para magbigay ng assistance sa mga bibisita sa sementeryo sa lungsod.
Nakahanda na rin ang 21 medical stations, pitong ambulansya at Help Desks para sa mabilisang tugon sa anumang emergency at umagapay sa mga bibisita sa sementeryo. May libreng kandila ring ibibigay sa pagpasok sa sementeryo.
Kasabay nito, umapela rin si City Administrator Dr. Alexander Rosete ng kooperasyon sa mga bibisita sa mga sementeryo at sumunod sa mga panuntunan.
Pinayuhan din ang mga itong magdala ng sariling pagkain, tubig, payong, at hanggat maaari ay huwag nang isama ang maliliit na bata para sa kanilang kaligtasan.
Simula kahapon hanggang sa Sabado, Nobyembre 2 bukas na ang siyam na burial sites sa lungsod kabilang ang Tugatog Public Cemetery, Everlasting Peace Cemetery, San Bartolome Parish Cemetery, Immaculate Heart of Mary Parish Ossuary, Immaculate Concepcion Parish, Our Lady of Lourdes Eternal Park, La Purisima Concepcion, at Sto. Rosario Parish Columbaria.
Inalerto naman ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga pulis at iba pang first responders ngayong Undas.
Ani Malapitan, dapat na masiguro ang seguridad ng mga dadalaw sa sementeryo mula ngayon hanggang Nobyembre 2 kaya nagpakalat na rin siya ng mga Help Desk sa mga sementeryo na kinabibilangan ng St. Peter, La Loma, Eternal Garden at Sangandaan sa South Caloocan at Bagbaguin, Serenity, Forest Park at Tala Cemetery sa North Caloocan.
Muli ring nagpa-alala si Malapitan sa mga bawal ipasok at gawin sa loob ng mga sementeryo.