Pumugot sa ulo ng sekyu ng car showroom timbog

MANILA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa pamumugot ng ulo sa security guard sa isang car dealer sa nabanggit na lungsod noong nakaraang taon.

Sa report na tinanggap ni QCPD Director PCol. Melecio Buslig, Jr., nakilala ang suspek na si Michael Caballero y Padilla, 47, isang driver ng Brgy. Balong Bato, QC.

Si Caballero ay itinuturing na Top 1 District Level Most Wanted Person matapos ang pagpatay sa security guard ng Ford Balintawak na si Alfredo Valderama Tabing

Ayon kay Buslig, sa pangunguna ni Kamuning Police Station 10 commander PLtCol. Leonie Ann Dela Cruz, naaresto si Caballero nitong Lunes, Oktubre 28 sa loob ng Branch 87, Regional Trial Court (RTC), Hall of Justice, Annex Building ng Quezon City Hall Complex, Brgy. Central, Quezon City. Nakatanggap ng impormasyon ang QCPD-Police Station 10 na nasa Quezon City Hall of Justice si Caballero kasama ang kanyang abogado upang sumuko.

Agad na kumilos ang mga operatiba at sa pakikipag-ugnayan sa RTC Branch 87 nakumpirma ang presensya ni Caballero. Inaresto si Caballero sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu noong Setyembre 10, 2024.

Nahaharap si Caballero sa mga kasong Robbery with Homicide (Art. 294[1] ng Revised Penal Code) at paglabag sa Republic Act 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016. Wala ring piyansang inirekomenda ang korte.

“Ang pagkakaaresto sa suspek na ito ay nagpapatunay na hindi kailanman makakapagtago sa batas ang mga gumagawa ng krimen. Kaya nananawagan kami sa isa pang suspek na sumuko na siya at harapin ang kasong naisampa laban sa kanya. Hindi titigil ang QCPD hanggang ‘di naibibigay ang hustisya sa pamilya ng biktima,” ani Buslig

Show comments