MANILA, Philippines — Natunton sa pamamagitan ng Marketplace sa Facebook ang dalawang airwheel robot luggage na ninakaw umano sa isang toy store sa mall na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang suspek sa magkasunod na operasyon sa Pasay City at Bacoor City, Cavite, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Jayson”, 33, ride-hailing driver; at alyas “Jozel” 32, sales demonstrator.
Unang idinulog ng negosyanteng complainant ang reklamo sa Pasay City Police Station noong Oktubre 27, 2024 kasunod ng pagkawala ng dalawang airwheel luggage robots sa isang mall sa Pasay City.
Nang makita sa FB Marketplace na ibinebenta ito ay nakipagtransaksyon sa nag-post at nagkasundo na magkikita sa isang restaurant sa Pasay City alas-3:00 ng madaling araw ng Oktubre 29.
Lingid sa kaalaman ni Jayson ay kasama ng complainant ang pulis para sa entrapment operation at nang busisiin ang dalang airwheel robot luggage ay nakumpirma sa serial numbers na ito ang mga nawala sa negosyante. Bigo rin ang suspek na magprisinta ng resibo o proof of ownership kaya siya inaresto.
Naikanta ni Jayson na nabili niya lang kay Jozel ang nakaw na airwheel kaya agad na nagsagawa ng follow-up operation sa Bacoor Coty, Cavite kung saan nadakip ang huli alas-7:45 ng umaga kahapon, Oktubre 29.
Nabatid na nagkakahalaga ng P75,000 ang airwheel robot suitcase.