Rider nag-counterflow, todas sa trailer truck!

MANILA, Philippines — Patay ang isang rider nang bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa nakasalubong na trailer truck matapos na mag-counterflow sa kalsada sa Sampaloc, Manila kahapon ng madaling araw.

Isinugod pa sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Adelo Aton, ng Maria Clara St., 7th Avenue, Caloocan City ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor dahil sa tinamong mga sugat sa ulo at katawan.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang truck driver na si alyas “Gene”, 29, ng Tondo, Manila.

Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU)-Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS), alas-1:20 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa northbound lane ng NLEX Connector Road, malapit sa Loyola Exit, sa Sampaloc.

Habang minamaneho umano ni Gene ang isang Isuzu Giga trailer truck (RJM 973) sa northbound lane ng NLEX Connector Road, nang magka-counter flow naman sa lugar si Aton, na lulan ng isang Keeway motorcycle (659 PFG), mula sa España Toll Exit.

Gayunman, nang magkasalubong sila malapit sa Loyola Toll Exit, nabangga ng motorsiklo ang kaliwang bahagi ng trailer truck kung kaya sumemplang ito at pumailalim sa truck habang nahulog ang rider na kanyang ikinasawi dahil sa matinding pinsala sa katawan. 

Show comments