Dahil sa pananalasa ni ‘Kristine’ Higit 500K kustomer, nawalan ng kuryente - Meralco

MANILA, Philippines — Daan-daang libong kostumer ng Manila Electric Company (Meralco) ang nakaranas ng power outage o pagkawala ng suplay ng kuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine.

Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, dakong alas-8:00 ng umaga nitong Huwebes ay nasa 535,000 kustomer nila ang nawalan ng suplay ng kuryente. Bumaba sa 397,000 na lamang ang bilang  pagsapit ng alas-11:00 ng umaga.

 “As of 11 a.m., we would like to inform you that there are still a lot of areas within the Meral­co franchise that are affected,” ani Zaldarriaga, sa isang press briefing. “We have around 397,000 customers still affected by power interruptions as of noon. So it went down from around 535,000 reported as of 8:00 this morning,” dagdag nito.

Ani Zaldarriaga, karamihan sa mga naapektuhang kostumer sa power outage ay mula sa Laguna, Cavite, Quezon Pro­vince, Batangas, Metro Manila, at Bulacan, dahil sa malakas na hanging dala ng bagyo at mga pagbaha.

Show comments