Malabon LGU, handa sa hagupit ni ‘Kristine’

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malabon government na handa na sila sa posibleng hagupit ng bagyong Kristine kaya abot-abot din ang kanilang paalala at pakiusap sa mga residente na sundin ang kanilang abiso at ng kanilang barangay officials.

Ayon kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, hindi maiiwasan ang mga epekto ng kala­midad kaya mahalaga  na laging handa ang city government sa lahat ng tulong na maibibigay sa mga maaapektuhan.

Ani Sandoval, tuluy- tuloy naman ang monitoring at pagbabantay ng LGU sa sitwasyon.

“Hiling lamang po namin ay ang kooperasyon at pakikipag-ugnayan ng mga Malabueño upang ating maisagawa ang nga operasyon at makaiwas ang lahat sa kapahamakan,” ani  Atty. Bianca Espiritu, City Administrator’s Office Officer-in-Charge.

Nagpulong na ang Disaster Risk Reduction and Management Office ng Malabon upang mapaghandaan ang  Tropical Storm Kristine na inaasahang papasok ngayong araw  Philippine Area of Responsibility.

Isinailalim na rin ng DRRMO ang Malabon sa red alert status upang matutukan ang disaster response operations.

Nabatid na 24/7 ang City Command and Communication Center,  declogging sa mga tulay, ilog  libreng sakay at paghahanda ng  700 food packs para sa mga pamilya sa mga evacuation centers.

Pinapayuhan din  ang mga residente na makipag-ugnayan sa Malabon Command Center sa mga telepono (8)-921-6009, (8)-921-6029, 09423729891, 0919062558 at TXTMJS- 09178898657 kung may katanungan o kailangan.

Show comments