MANILA, Philippines — Isa ang problema sa pagbaha ang target na pangasiwaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte upang maresolba para sa kapakanan ng mga QCitizens.
Ito ang isa sa naging tampok sa ikalimang State of the City Address (SOCA) ni Mayor Belmonte na ginanap sa kabubukas na MICE Center sa QC Hall compound kamakalawa.
Ayon kay Mayor Belmonte, sanib-puwersa na ang kanyang tanggapan kasama ang mga tanggapan nina Vice Mayor Gian Sotto at anim na kongresista ng Quezon City para matutukan ang pagresolba sa problema sa pagbaha sa lungsod lalo na sa tuwing panahon ng tag-ulan.
Aniya, nasa P123 bilyon ang kinakailangan ng QC government para sa ipatutupad na Drainage Master Plan bilang solusyon sa pagbaha.
Sinabi ni Mayor Belmonte na ang halos lahat ng mga sinimulang proyekto mula taong 2019 ay natapos nang mabilis, may mababang halaga ang nagastos pero sobrang taas naman ng kalidad ng mga proyekto.
Aniya, ang P39 bilyong pondo ng QC government ngayong 2024 ay sumentro sa pagpondo sa mga social services.
Ipinagmalaki rin sa SOCA ang mga napagtagumpayang programa ng lungsod tulad ng mga pabahay, pangkalusugan, livelihood, education, sanitation, job opplortunities, elderly, PWDs, infrastructure, digitalization at iba pa.
Inihayag pa ni Belmonte na dahil sa patuloy na pagtutulungan ng bawat isa, ang QC ay “ISO certified” na at sa loob ng limang taon, higit na sa 2-libong tauhan ng QC Hall ay na-regular din na dati ay hindi naaaksyunan ng nagdaang administrasyon ng QC LGU.
Inaasahan din aniya na gawing electric ang lahat ng fleet ng QC Bus Libreng Sakay upang makatulong na maibsan ang polusyon sa hangin.
Sa limang taon aniya, ang QC ay hindi nagtaas ng singil sa buwis at walang utang. Apat na taon na aniyang namamayagpag ang QC sa good guality opinion ng Commission on Audit.
Sinabi pa ng alkalde na target pa ng QC LGU na maglagay ng higit 3-libong CCTVs sa mga strategic areas sa layuning maging “zero crime” ang lungsod.