MANILA, Philippines — Naninigas na ang isang delivery rider nang mapansin ng kanyang kasamang babae na wala na palang buhay matapos silang mag-check-in at makatulog sa isang motel sa Sta. Mesa, Manila kamakalawa ng madaling araw.
Ang biktima ay kinilala lang na si alyas “Ben”, 37, residente ng Krus na Ligas, Quezon City.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang madiskubreng bangkay na ang biktima sa loob ng isang motel sa Sta. Mesa.
Nauna rito, dakong alas-10:00 ng gabi ng Linggo ay nag-check-in umano sa motel ang biktima, kasama si alyas “Karen” at natulog doon.
Laking gulat na lang umano ni Karen nang magising at mapansing patay at matigas na ang katawan ng katabing biktima.
Kaagad namang humingi ng tulong si Karen sa mga tauhan ng motel, na siya namang nag-report ng insidente sa pulisya.
Nabatid na walang saplot ang biktima nang abutan ng mga pulis.