Dahil sa Asia-Pacific meet
MANILA, Philippines — Ipinatupad na ng Philippine National Police (PNP) ang suspension ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) sa buong Metro Manila o National Capital Region (NCR).
Bahagi ito ng ipinatutupad na security measures ng mga awtoridad para sa Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR) simula ngayong Oktubre 14 hanggang Okt. 15 na inaasahang dadaluhan ng daan-daang delegado mula sa iba’t ibang bansa.
Batay sa inilabas na Memorandum ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang suspension ay tatagal hanggang madaling araw ng Oktubre 18.
Tanging mga on-duty members lamang ng Armed Forces of the Philippines (AFP), PNP, at iba pang law enforcement agency ang pinapayagan na magdala ng baril.
Layon ng kautusang ito na matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa aktibidad at maiwasan ang firearm-related incidents.
Sa anunsiyo rin ng Manila Police District (MPD) sa kanilang Facebook page, sisimulan ang suspensiyon ng permit sa pagbibitbit ng baril, ganap na alas-12:01AM ng Oktubre 13 hanggang 12:00MN ng Oktubre 18.
Una nang idineklara ng Malacañang na walang pasok ang Maynila at Pasay ngayong Oktubre 14 at Oktubre 15 dahil sa naturang kumperensya.