MANILA, Philippines — Bilang paggunita sa National Mental Health Month ngayong buwan, higit pang pinaigting ng Quezon City Government ang kanilang mental health initiatives sa pamamagitan ng integration ng psychosocial support at crisis intervention sa City’s Helpline 122.
Ang mga taga-QC o mga indibidwal sa lungsod na dumaranas ng mental health concerns at nais matulungan para rito ay maaaring tumawag sa Hotline “122” gamit ang kanilang telepono.
Dito agad-agad na may sasagot na crisis responder para aksyonan ang kanilang mga katanungan at kahilingan dahil ang Mental Health Hotline ay available 24/7.
“May mga pagkakataon na hindi na natin kinakaya ang mga suliranin at isipin na kinakaharap natin sa buhay kaya minsan, kailangan natin ng makakausap. Ang ating responders na maabot sa pamamagitan ng Hotline 122 ay handang makinig at umalalay sa inyo, hanggang sa gumaan at maging mabuti ang inyong pakiramdam,” pahayag ni City Mayor Joy Belmonte.
Ang mga Crisis responders ay sinanay ng National Center for Mental Health (NCMH) tungkol sa suicide at crisis management. Kasama nila ang mga health workers na nagsanay tungkol sa Mental Health and Psychosocial Support and Psychological First Aid.
Ang team na ito ay araw-araw na naka-duty para matiyak na ang mga callers ay mabibigyan ng kaukulang interventions sa panahon ng krisis.
“Malaking bahagi ng pangangalaga sa sarili ang pagbibigay-halaga sa kalusugang pangkaisipan. ‘Yan ang tinitiyak natin sa Quezon City, kaya lahat ng programa at inisyatibo ay sinisikap nating iayon sa pangangailangan ng bawat sektor, at sinisiguro na napapakinggan natin ang suhestyon at hinaing nila,” dagdag ni Belmonte.
Ang Quezon City Health Department ay nagsasanay na ng higit 370 barangay officials at staff tungkol sa “psychological first aid” upang asistehan ang mga residente at masolusyunan ang mga traumatic experiences.
Ang QC ang unang lungsod na may sariling Mental Health Code sa pamamagitan ng City Ordinance 3158-2022.