MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa bisa ng warrants of arrest ang walong Most Wanted Persons (MWP) sa manhunt operations nitong Martes.
Sa report na tinanggap ni Quezon City Police District (QCPD) Acting Director, PCol. Melecio Buslig Jr., ang pagkadakip sa mga wanted ay bunsod ng pinaigting na intelligence work ng mga pulis.
Nabatid na nadakma ng La Loma Police Station 1 sa pamumuno ni PLt. Col. Ferdinand Casiano, sina Robin Renz Perez, 25, bouncer, at Joey Corpuz, 38, kapwa may kasong attempted murder; Talipapa Police Station (PS 3) sa ilalim ni PLt. Col. Resty Damaso si Cherry Fortus, 44, sa kasong estafa at Kamuning Police Station (PS 10) sa ilalim ni PLt. Col. June Paolo Abrazado si Ruben Villanueva, may kasong frustrated murder.
Hindi rin na kaligtas sina Roselyn Laurio at at Rhona Torres na inaresto ng Galas Police Station (PS 11) sa ilalim ni PLt. Col. Joseph Dela Cruz dahil sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakalawit naman ng mga tauhan ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) sa ilalim ni PLt. Col. Leonie Ann Dela Cruz si Marvin Yumul, 28, na may kasong rape by sexual assault, habang nahuli rin ng Pasong Putik Police Station (PS 16) sa paumuno ni PLt. Col. Josef si Wellar Jalea, 25, sa kasong Qualified Rape, R.A 11648 o Qualified Sexual Assault, at Acts of Lasciviousness.
“Ang pagkahuli sa mga wanted persons na ito ay nagpapakita kung gaano kami kahigpit sa aming kampanya laban sa mga wanted persons. Layunin namin na mabigyan ng katarungan ang kanilang mga biktima at siguruhing ligtas ang ating komunidad,” ani Buslig.