MANILA, Philippines — Isang pulis na nasangkot sa road rage sa Valenzuela tollgate na nag-viral sa social media ang sinibak sa puwesto ng Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG).
Ayon kay PNP-CSG Spokesperson Lt. Col. Eudisan Gultiano, pansamantalang inalis sa puwesto ang pulis na may ranggong Police Staff Sergeant matapos na mag-viral ang ginawa nito sa isang trak drayber na kanyang hinarang, tinutukan ng baril at pinosasan matapos na magkainitan sa away sa trapiko.
Isinuko na rin ng pulis na nakatalaga sa CSG Satellite office sa Fairview ang kaniyang service firearm habang iniimbestigahan ang kaso.
Samantala, sa kabila ng pag-aayos sa barangay ng pulis at biktimang trak drayber, sinabi ni Gultiano na sasampahan nila ang pulis na kasong administratibo dahil sa kaniyang ginawa.
Ayon sa pulis, hinabol niya ang trak drayber matapos na masagi nito ang kaniyang kotse subalit hindi ito huminto. Nang kanyang maabutan, dala ng galit ay nilabasan niya ito ng baril ang driver, pinababa sa trak, pinadapa at pinosasan.
Itinanggi ng nasabing pulis gayundin ng trak drayber na may naganap na barilan katulad ng sinabi sa viral post sa social media.